Pagbabalik-lumipas
Nagkukuwentuhan kami tungkol sa aming kabataan, ang mga lugar na aming pinapasyalan. Lahat ng konektado sa aming mataas na paaralan, ang Arellano High School. Bahagya ko nang naisasalarawan sa aking gunita ang mga gusali sa palibot ng Arellano. Kung ipipinta ko sa aking alaala, iilan-ilan na lang ang magiging malinaw.
Paglabas ko ng Arellano, kung ako'y kakanan, ang kalyeng tinutumbok ay ang Doroteo Jose. di ba? Pag ako'y kumanan dito, naruon ang kainan ni Aling Munding, siya ata ang naguso ng mais o mongo con hielo, delatang mais o matamis na munggo na inilalagay sa platito at tinatakpan ng kinaskas na yelo na patutuluan ng gatas ebaporada mula sa lata bago lalagyan ng asukal. Diyes nga ba ito o singko? Pag may pera ka, puedeng halo-halo sa baso. Mayruon ding matamis na saging na saba. Hanggang platito lang ako.
Pag ako nama'y kumaliwa sa Doroteo Jose, dadaanan ko ang Mapua at makakarating ako sa Abenida Rizal. Panay saradong posisyon ang aking madadaanan, ngunit may isang may ulilang jukebox na maliligaw. Nakakaindak ang pumapailanlang na Merry-Go-Round ni Teddy Randazzo.
Hindi ako sa Doroteo Jose gagawi dahil dapat kumaliwa ako galing Arellano, pauwi sa aming bahay sa Bambang. Kasama ko ang aking mga kaeskwela, maglalakad kami sa Teodora Alonzo pakaliwa. Hindi malinaw kung Ruby Towers na ang nasa harapan ng Arellano nuong huling taon namin sa high school. Aywan kung ano ang nasa tapat. Tuloy ang aming lakad. Dadaanan namin ang Teodora Alonzo High School sa kanan. Malabo ang nasa kaliwa. Sa may Zurbaran kailangang mag-short cut kami sa eskinita na karugtong ng tulay ng estero. Bago ito, makikita namin ang bahay ni Manuel Halili sa kaliwa. Babalik sa aking gunita ang batang kapatid ni Manuel na nakaratay sa loob, may hydrophobia, tuyong-tuyo ang bibig na dinadampian lang ng bulak na basa ng tubig.
Pagkatawid namin sa estero, babaybayin namin ang eskinita. Maraming batang naglalaro, ang karamiha'y hubo, mga inang nagtsitsismis na may mga uhuging humihila sa palda nila na di naman pinapansin. Sa dulo ng eskinita matutumbok ang kalye Magdalena. Payaot-parito ang mga diyipning pampasahero. Pakanan ang mga papuntang Blumentritt, Grace Park, Navotas o Malabon. Sa kabila, papuntang Divisoria. Parang natatandaan ko, pag kumaliwa ka sa Magdalena, duon ang bahay nila Julia. A, si Julia Capulong, hindi niya siguro alam, napulot ko ang kalahating pad paper na pinagsulatan niya ng kung anu-ano tungkol sa crush niya. Bistado ko tuloy siya.
Kakanan kami. Sa isang kalyeng mabilis na susulpot sa kabila pahalang sa Magdalena, duon hihiwalay si Virginia. Duon ang bahay nila. Bago ito, sasakay na sa dyip si Elizabeth at si Edwina. Kapwa sila nakatira sa Malabon, kaya lang si Elizabeth sa kalye Malabon at si Edwina sa tunay na Malabon, kung saan nanggaling ang pansit Malabon. (Pagdating ng ikaapat na taon, kung minsan magkasabay na kaming sasakay ng diyip dahil lilipat na rin kami sa Grace Park.)
Madadaanan ko sa kanan ang Simbahan ng San Roque (?Trozo ba, Anita?). Madalas, bibisita kami ng kasama ko kahit saglit. Dito kami nagsisimba, pero mas madalas akong magnobena pag Miyerkoles ng gabi kaysa makinig ng misa pag Linggo ng umaga. Mother of Christ, mother of Christ .... Mother Dearest, Mother fairest ... Tantum ergo, Sacramentum ... Veneremur cernui.....Uso pa nuon ang malalaking itim na belo, at ang mga pamaypay na lace at ang mga panyolitong burdado. Nag first communion ako dito, sa isang ala seis na misa na kasama ko yata si Dalisay Lelay. Basta nakipila lang ako sa mga magkukumunyon. Takot na takot pa nga akong makagat ang ostia ... sabi kasi ng kapatid ko di dapat makagat ang ostia, dapat matunaw sa bibig. (Dito sa Amerika, ipinaghanda pa at pinangimbita sa isang restaurant ang First Communion ng aking mga apo. Nakamahaba pang bestidang puti na parang aabay sa kasal.)
Sa may unahan ng San Roque (?), naruon ang Kiko Bazaar. Dito ako nagpapagawa ng mga butones at buckle ng sinturon para sa mga damit na tinatahi ng nanay ko. Ang sarap panuorin ang paggawa ng mga ito. Uso pa kasi nuon ang mga butones at sinturon na binabalot sa telang gamit sa damit. Modista kasi ang nanay ko. Kaya ang mga damit ko ay panay galing sa retaso na labi ng mga pinagtabasan niya. Ang nanay ko ata ang nag-uso ng mga damit na may kumbinasyon na mga tela (na uso na ngayon). Madalas ang kuwelyo at palda ang magkapareho, pati na ang manggas. Pero nuon, para akong nahihiya dahil hindi pa ito uso. Sa eskaparate, madalas kung hindi pa ako inaasikaso, minamalas ko lahat ng klase ng butones, may ginto, silver, may bulaklaking puti, may nakar. Naruon din ang mga banig ng automatic, ng hook and eye, ng ibat-ibang lace at mga ribbon na sari-sari ang kulay. Pero nuong mas bata pa ako, ang nakakatawag ng aking pansin ay ang manikang ala Barbie ng panahon na iyon. Payat na manikang tila dalaga, di tulad ng kalbong manikang parang sanggol na natanggap ko ng ikalima kong kapaskuhan na di ko malaman kung lalaki o babae. Kuwarenta sentimos lang ang manika na iyon, mahal na siguro nuong panahon na iyon, hindi ako nagpabili sa nanay ko kahit minsan. Alam ko kasi, mahirap lang kami. (Nang malaunan, dinidikitan pa nila ng automatic ang dibdib ng manikang ito para tumulis ang dibdib sa ilalim ng damit kapag itinitinda na may damit na.)
Patuloy ang lakad papuntang Bambang. Tatawid na kami. Sa kanto ng Magdalena at Bambang, naruon ang Universal Bakery. Dito pinakamasarap ang Paciencia, bilog-bilog na maliliit na cookies na parang flat ang ilalim. Hanggang ngayon, pinakamasarap sa aking alaala, walang panama ang nabibili ngayon na nakapakete sa mga tindahang Pilipino rito.
Pag kumanan ka sa Bambang naruon ang Commander at Mercury Drugstores. Pag dumeretso ka, Magdalena Extension yata. Naruon ang People's Restaurant sa kanan, pinakamasarap ang pancit guisado nila rito, pati na ang ginisang bitsuelas. Kung aalalahanin ko, parang may sarsang lasang delatang pork and beans ang ginisang bitsuelas nila.
Siyempre, kakaliwa kami papunta sa amin. Nuong mga unang taon, si Dalisay ang aking maiiwang kasabay dahil nakahiwalay na ang iba. Sa gawing ito ng Bambang, nasa kanan ang gusali ng palengke at sa kaliwa ang maliliit na puesto ng mga maguuling at magpapalayok. Gustung-gusto kong tingnan ang mga palayuk-palayukang laruan. Ngunit hindi rin ako nagpabili sa aking ina. May asawa na ako bago ako makabili nito, para sa aking mga anak na babae.
Sa may bangketa sa kanan, maraming segunda manong damit na itinitinda. Panay nangungutim na ang mga ito, pano ba naman, ulingan ang nasa tapat. Panay puesto yata ng uling hanggang dumating ka sa estero. Sa kanan naman ay ang mismong building ng Bambang Market. Tatsulok pala ang korte ng lote ng palengke na ito. Kaya puzzle nuong bata pa ako. Nagtataka ako kung bakit ang magkaibang daan ay pareho ang kalyeng hinahantungan. Ang daan sa harapan na ito ng palengke ay punung-puno ng mga bilaong paninda - tinapang kay kikintab ng ginintuang mga balat, tuyong kay kikintab ng kaliskis, dalawa sinco ba? itlog na maalat kinse isa, dalawa beinte sinco pag may basag na kaunti, kalamansi, kay iitim na duhat na baso-baso ang pagtinda, atbp. Sa maniwala kayo at hindi binabasa ko ang balutan ng tinapa nuon. Hindi iyon kasistehan lang.
May maliit na puesto si Dizon sa tapat ng palengke, sa may kanto ng Bambang. Ang sarap ng mami ni Dizon, pati na ng lechong intsik. Nuong grade school pa ako, tumitingkayad pa ako at sumisilip sa salaming eskaparate para panuorin ang pagbalot nila nito. Ang diyaryo ay lalagyan ng dahon ng saging, ikakalat ang mga slices ng hilaw na papaya, lalagyan ng ketsap na parang Mafran tapos ilalagay ang tinagang pirapirasong lechon na kaylutong ng balat bago ibalot na pabalisungsong. Saaarap!
Sa unahan ni Dizon, sa dulo ng kalye ay may eskinita kung saan naruon ang puesto ng lugawan ni Aling (??nakalimutan ko na). Madalas kaming kumain ni Dalisay rito bago umuwi. Pospas o goto. Diyes pag may laman, sinco pag wala. Depende sa baon ko kung ano ang aking oorderin. Tapos naming kumain, babalik na kami para umuwi. Nasa kaliwa na namin ang gusali ng palengke. Maganda ang arkitektura ng palengkeng ito. Mula sa labas, aakyat ka sa konkretong hagdanan para sa mga karne, isda at gulay. Tapos bababa ka para sa mga damit at dry goods. Kung baga sa bahay na residensyal, may sunken room ito sa gitna. Nasa itaas nga ang mga puesto ng karneng baka, baboy, isda at hipon. Walang manok. Hindi pa uso nuon ang dressed na manok. Buhay na manok ang bibilhin mo. Nakapaggilit na ba kayo ng buhay na manok. Ako, ilang beses ding nagpatay ng manok. Siyempre kasama ang paggilit ng leeg. Nuong unang beses (labingisang taon lang yata ako) takot ako masiyado kaya bahagyang gilit lang nakatakbo pa ang inahin kahit hiwa na ang leeg niya. Kawawa naman. Cruelty to animals pala iyon. Tapos minsan, mali pa ang paggilit ko, kaya hindi tumutulo ang dugo. Sa pinggang may bigas pinatutulo ang dugo. Nang mauso ang pagbenta ng dressed ng manok, di na ako nakatikim ng dugo sa nilagang manok. Isa rin itong nami miss ko.
Balik sa pagbaybay ng daang pauwi. Kakanan kami sa Bambang. Dadaanan ang estero, tapos ang magyeyelo sa kaliwa. Dito ko ilang beses nakasalubong si Al Kamatoy. (Pero parang ang tangkad niya nuon.) Sa kanto naman ng unang bloke ang dating bahay nila Maria Corazon del Prado. Sa kabilang kanto naman ang botika nila Romulo, sa kanto rin ng Felix de Leon. Nakakatakot ang botika ng mga Ricafranca. Marami kasing mga ugat-ugat at malalaking bote ng kung anu-ano na nasa formalin yata. May fetus pa akong nakita rito. Ang dilim ng loob.
Sa susunod na block ang una naming apartment nuong bagong dating kami mula sa Bicol, nuong limang taon pa lang ako. May mga panindang abaca goods, mga banig at mga tsinelas at bakyang yari sa Bicol ang mga magulang ko. Dito ako kumupit ng isang walis na tambo para ibigay sa kaarawan ni Maria Corazon nuong musmos pa kami. Lima o anim na taon pa lamang siguro ang idad namin. Kapitbahay namin ang kaunaunahang may freezer duon, na nagtitinda ng Magnolia ice-cream at popsicles, sina Mang Pedring, Aling Pining at Aling Maring.
Daang Yakal na ba matapos ang Felix de Leon? Dead end ang Yakal sa kaliwa. Dito madalas magpalabas ng sine nuon. Katulad ng marami, nagbibitbit ako ng bangko para makita ang screen nuong bata pa ako. Dito ko napanuod si Tyrone Power at si Debra Paget. Pag piyesta dito rin sa lugar na ito ang mga palabas. Lalo nuong uso pa ang mga combo contest. Sa may kanto ng Yakal ang bahay nina Rosario Manasan. Sa kabila naman, sa Yakal pa rin, sina Dalisay naman duon nakatira. Kaya naghihiwalay na kami rito. Sina Dalisay ay may sari-sari store. At may mga magasin at komiks silang tinda. Lagi akong nakikibasa sa kanila ng Liwayway at Bulaklak. Magaganda ang nobela sa Liwayway at marami namang tungkol sa artista sa Bulaklak. Paborito ko nuon si Lito Legazpi kaysa kay Jose Mari.
Malapit na ako sa amin. Ilang bahay na lang at paghakbang sa makitid na kanal ay ang aming tirahan. Mga puestong komersyal ang mga paupahang ito ni Mr. Raya. Kaya nasusuya ako at walang normal na pintuan. Bukas na bukas upang may espasyo para sa mga eskaparate. Kaso mo, modista nga ang nanay ko, wala namang eskaparate. Di katulad ni Mr. Paule na sastre na dalawa ang eskaparate. Katabi namin ang mga Cortes. Ang tiyo ni Tessie Cortes ay may puesto ng komiks, kaya libre ako sa pagbasa ng Hiwaga, Espesyal, Tagalog at Pilipino Komiks. Pati Tiktik nababasa ko yata paminsan-minsan kahit di ko naiintindihan nuong musmos pa ako kung bakit laging may labanos at pisngi ng langit na binabanggit. Kaya yata ako nahilig magdrowing dahil kina Francisco at Gregorio Coching, ang dalawang Redondo at Vir Aguirre. Si Nestor Leonidez pa pala.
Sa dulo ng aming bloke ay ang tindahan ni Benito. Malaking sari-sari ito. Asawa niya si Tana at ang mga anak nila ay si Norma, Boy, Kin Tit at King Hoc at iba pang ipinanganak marahil nuong wala na kami. Marami silang katulong at tindera. Natatandaan ko hanggang ngayon ang kay itim na si Mameng. Sabi kasi nila babae raw ito ni Benito. Kina Benito ako bumibili ng pambaon. Dalawa sinco nuon ng pandesal, ang kesong puti ay sinco isa yata o diyes? Iyon ay kung wala na kaming santan (matamis na bao) na galing sa Bicol. Espesyal ang aming matamis na bao dahil nilalagyan ito ng maraming binalatang pili.
Sa hapon pag oras na ng merienda, puede kang bumili ng pancit, na itinitinda sa losang palanggana, sinco o diyes din lang. Sa tapat naman sa may kanto ng Yakal, ang tindahan na ari ng mga Pilipino. Maraming lutong ulam (masarap ang dinuguan nila), pero tatawid ka pa kaya siguro di ako inuutusan ng nanay ko ruon lalo na nuong bata pa ako. Saka tambayan ng mga maton. Sikat na maton nuon ay si Marcial. Pero mabait naman. Magalang na magalang lalo sa matatanda. At lalo na sa mga dalaga.
Sa unahan ng Bambang, sa papuntang Manuguit (Abad Santos ngayon), naruon ang mga bahay nina Milagros Estrada at Filipinas Villeses. Bata pa kami, dalaga nang tingnan si Filipinas. Kaya marahil nagasawa agad. Sa isang titser sa Arellano, kay Mr. Edralin. Di ba Mr. Bukol ang tawag natin kay Mr. Edralin? Mula sa tindahan ni Benito, pag ikaw ay kumaliwa ay ang daang Fermin Tubera. Dito naman nakatira sina Carmencita Flores, sa bahay na may hagdan na bato at kung saan sa ibaba ay may nagtitinda ng mga ulam rin sa palanga-palanggana. (Ang natatandaan kong mabuti ay ang ginisang kintsay at repolyo. Parang kay sarap ng itsura.) Narito rin sa kalyeng ito ang mga tirahan nina Floresitas de Leon at Janet Shockhart, mga kaklase ko sa elementary, sa M. Hizon.
Maraming beses na akong nagbalikbayan. Ilang ulit ko nang binalak na baybayin muli ang mga daang ito ng aking kabataan tuwing uuwi ako sa Pilipinas subalit laging di ko nagagawa. Alam ko, ibang-iba na ang mga pook na ito lalo na sa may amin sa Bambang, dahil kapag dumadaan ang sinasakyan ko sa Abad Santos ay nasisilip ko ang Bambang Extension. Panay konkretong buildings na komersyal at malalaking trucks na nakaparada. Siguro ang numero na lang ng mga bahay ang di nagbabago. 1314 ang sa amin.
1314 Bambang Extension, Sta. Cruz, Manila .

0 Comments:
Post a Comment
<< Home